Seryoso ang mukha ko habang mahigpit na hinahawakan ang puti ngunit maruming mga sobre sa kaliwa kong kamay. Pumarada sa gilid ang isang kotse kaya nagkaroon ako ng pagkakataong tignan ang sarili sa pamamagitan ng salamin nito. Sa repleksyon ko ay kapansin-pansin ang payat kong pangangatawan, bilugang mga mata, makakapal na labi at balat na may kaitiman.
Magulo at madumi ang puti kong damit ngunit hindi ko ito alintana. Maging ang mga taong nagtatakip ng ilong kapag napapatabi sakin ay hindi ko pinagtutuunan ng pansin.
Tumingin ako sa paligid. Sa pagmamatyag ko ay may isang bagay akong napansin, ito ay ang masasayang mukha ng mga tao. Mukhang lahat, maliban sakin, ay handa na sa pagsalubong sa kapanganakan ni Hesus mamaya.
Nagpakawala ako ng isang hininga at pinagkiskis ang nilalamig na palad. Ilang saglit pa'y napaayos na ako ng tayo nang matanaw ang bus na kanina ko pang hinihintay.
Hinaplos ko muna ang balikat na katulad ng palad ko ay kanina pa rin nilalamig-dala ng malamig na simoy ng hangin-bago tuluyang sumampa paakyat ng bus kasabay ng iba pang pasahero.
"Last na 'to, bukas na uli," bulong ko.
Nang nasa loob na ng bus ay napalingon ako sa direksyon ng kundoktor. Napasimangot ako dahil masama ang tingin niya sa akin.
"Ikaw na namang bata ka? 'Di ka man lang nagpalit ng damit, 'Toy? Yan din suot mo kahapon, ah?" sabi niya sa nangungutyang boses.
Totoo namang hindi ako nagpalit ng damit o naligo man lang. Wala kasing pumayag sa mga kapitbahay namin na makiligo ako dahil mahal na raw ang bayad sa tubig ngayon. Totoo rin namang tuwing magpapasko ko lang ginagawa ang ganitong gawain. Kapag kasi buwan ng Enero hanggang Nobyembre ay kinukuntento ko na lang ang sarili sa pagbebenta ng sampaguita sa mga simbahan o 'di kaya ay yosi sa mga tsuper.
Hindi na muling nagsalita ang kundoktor at umiling-iling na lang. Tumalikod na rin siya sa akin at pumunta sa mga bagong sakay na pasahero. Bumuntong-hininga naman ako at ilang segundo munang tinitigan ang mga pasahero bago magsalita.
"Magandang araw po, nandito po ako para humingi ng konting tulong sa inyo," panimula ko.
Matapos kong sabihin iyon ay nakiramdam muna ako sa paligid. Iba-iba ang epekto ng salita ko sa kanila. Ang iba ay tumingin sa akin habang ang ilan ay nag-iwas lang ng tingin. Nakita ko pa ang isang babaeng nagmamadaling nagsalpak ng kung ano sa tainga. Ang isa nama'y biglang pumikit at mukhang may balak na tulugan ang maiksing talumpati ko.
Binalewala ko sila at humugot na lang ng isang hininga at muling nagsalita, "Kaunting barya lang po, pangkain lang. Tutal pasko na mamaya, magbigayan po tayo. Salamat po."
Nagtungo ako sa unahang bahagi ng bus upang abutan ng sobre ang mga pasahero, nakasulat dito-sa magugulong letra-ang mga katagang, 'Ate kuya konting barya lang po'.
Lihim akong napapangiti kapag tinatanggap ng mga ito ang ibinibigay ko at napapailing kapag hindi man lang ako pinagkaka-abalahang titigan ng karamihan. Pakiramdam ko kasi'y ang pagtanggap ng mga ito sa sobre ay nangangahulugan ng pag-asa, na may mga taong hindi man ako matulungan ay tanggap naman ako at ang aking gawain.
Nagpatuloy ako sa pag-aabot ng mga sobre. Umaasang sana ay magbigay ang mga ito ng kahit magkano para may maiuwi akong pagkain sa kapatid ko.
Hindi ko mapigilang magngitngit sa inis kapag naiisip na kung nandito ang mga magulang ko'y hindi ko sana ginagawa ang bagay na ito. Kung wala lang sanang bisyo si Itay ay baka hindi siya namatay dahil sa kanser sa atay. Kung matapang lang sana si Inay ay baka hindi niya itinuloy ang pagpapakamatay dahil lamang sa kahirapan ng buhay.
Kung nandito lang sila... hindi sana ako nagmamakaawa at nagpapaawa sa mga estrangherong ito. Sana'y nag-aaral kaming magkapatid ngayon. Sana ay nasa ika-apat na taon na ako sa sekondarya at ipinagpapatuloy ang pangarap kong makapagtapos bilang valedictorian at cum laude naman sa kolehiyo. Sana ay nasa ika-apat na baitang sa elementarya na si Felisse-ang kapatid ko. Sana. Puro sana.
Naalala ko tuloy ang sinasabi ng mga taong nakapaligid sa'kin noon. Matalino raw ako, 'yan ang madalas kong naririnig sa kanila. Malalim din daw akong mag-isip, parang isang matandang marami nang pinagdaanan sa buhay. Ang hindi nila alam sa loob ko'y nagkukubli ang isang bata. Isang batang naghahanap ng kalinga at proteksyon mula sa mas nakatatanda. Oo, malalim akong mag-isip pero sa kabila ng kalalimang 'to ay may itinatago akong kababawan, kababawang dapat ikubli para hindi ako pagsamantalahan ng ibang mas malakas. Defense mechanism 'ika nga.
Bumuntong-hininga ako. Madalas kong itanong sa Diyos kung bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo ay kami pa ni Felisse ang nakakaranas ng ganito. Hindi hamak naman na mas makasalanan ang iba kaysa samin, pero bakit kami pa?
Natigil ang pag-iisip ko matapos tapikin ng isang lalaki ang kamay kong nag-aabot ng sobre.
"Totoy, pinagkakakitaan mo na lang kami ah? Aba, wag mong abusuhin ang pasko, pare-pareho tayong naghihirap dito. Ang baho mo pa, mahiya ka naman. Nakakaperwisyo ka lang," saad niya.
Bigla akong nakaramdam ng kirot sa puso ko. Dapat ay sanay na ako sa ganitong senaryo pero sadya yatang kahit kailan ay hindi ako masasanay. Nakarinig pa ako ng ilang pagsang-ayon mula sa ibang pasahero, habang ang iba nama'y may sarili ring komento...
"Nako, sa sindikato mapupunta 'yan."
"Baka nga ipangbibisyo lang n'yan ang mga nakukuhang pera."
"Kalalaking tao, 'di maghanap-buhay. Asa lagi sa iba. Nasa'n ba magulang niyan?"
Napayuko ako. Alam kong may punto sila kaya imbes na sumagot at ipagtanggol ang sarili'y lumakad na lang ako at itinuloy ang pag-aabot ng sobre sa iba pang pasahero-sa mga taong handang magbigay ng pag-asa sa akin.
Isa lang naman ang misyon ko sa araw na ito-ang makakolekta ng marami. Sa buong maghapon kasi ay dalawampu't dalawang piso pa lang ang nakokolekta ko. Kulang pa itong pambili ng isang kilong bigas.
Naalala ko pang nagbilin si Felisse na kung makakaipon daw ako ng malaki-laking pera ay manok ang bilhing ulam para sa pagsalubong sa kapaskuhan. Gusto ko siyang pagbigyan, minsan lang kasi ito humiling at sa totoo lang ay matagal-tagal na rin mula ng huli itong nakatikim ng masarap na pagkain.
Mabilis kong nabigyan ng sobre ang mga pasahero kaya't makalipas lamang ang ilang sandali ay abala na ako sa pangongolekta. Napailing ako nang makitang ginawa nang tapunan ng bubble gum ang isang sobre, habang may ilan namang pinabayaan na lang na liparin ito ng hangin sa kung saan.
Ikinuyom ko ang palad ko. Gusto kong tumigil na lang sa pangongolekta at umiyak na lang sa sulok. Gusto kong umuwi na lang at yakapin ang kapatid ko. Ayoko nang gawin 'to. Nagsasawa na ko.
Paulit-ulit na lang, at habang tumatagal... mas lalong sumasakit. Pero kailangan kong magpatuloy, para sa manok na ihahanda namin mamaya sa mesa at para sa matamis na ngiti ni Felisse.
Bumalik ako sa pangongolekta at napatapat sa isang dalaga. Kapansin-pansin ang paghigpit ng pagkakahawak niya sa bag niya nang lapitan ko siya. Yumuko ako at pumikit saglit. Pagkatapos ay lumayo na ako sa kaniya para sa ikapapanatag ng loob niya. Kriminal. Isa akong kriminal sa paningin niya. Ipinilig ko na lang ang ulo ko at ipinagkibit-balikat ang bagay na iyon.
Matapos kong makuha ang lahat ng sobre ay binilang ko ang nakuhang barya. Apat na piso. Ibig sabihin ay nakaipon lang ako ng dalawampu't anim na piso sa buong maghapon. Hindi ko pala mapagbibigyan ang hiling ni Felisse. Bumuntong-hininga ako at pinigilan ang nagbabadyang luha sa pamamagitan ng pagkurot sa braso ko.
Ibinaling ko na lang ang atensyon sa paligid habang naghihintay sa paghinto ng bus upang makauwi na kahit labag ito sa kalooban ko. Hanggang ngayon kasi'y naiisip ko pa ang kapatid ko. Paano kung umiyak siya? Anong gagawin ko?
Lord, kayo na po ang bahala.
Nakatayo na ako sa gitnang bahagi ng bus malapit sa pinto nang maramdaman ko ang isang marahang tapik sa likuran ko. Hinarap ko ito at nakita ang isang babaeng maayos na nakaupo sa upuan malapit sa kinatatayuan ko. Naka-uniporme itong pang-nars at nakangiti sa akin na ikinabigla ko.
"Nasa'n ang mga magulang mo?" tanong niya.
"Ah... wala na po," tanging sambit ko.
Pinilit kong makitungo nang mabuti rito kahit na nagtataka kung bakit bigla na lang niya akong kinausap. Nakatitig siya sa akin kaya't bahagya akong napaatras. Nahihiya ako sa sarili dahil ang dumi-dumi at ang baho-baho ko, samantalang siya ay malinis, mabango at mukhang anghel sa suot niyang puting uniporme na tinernuhan ng puting sapatos.
"Nung isang araw pa kita nakikita, nagkakataon na umaakyat ka sa bus na sinasakyan ko," sabi niya.
"Ah."
Natawa naman siya sa sagot ko at inayos ang pag-upo. "Pasko na mamaya, ano'ng wish mo?" tanong niya na ikinabigla ko.
Nang makabawi ay nagpakawala ako ng isang mahinang tawa. Ano namang klaseng tanong yun?
Wala na sana akong balak sagutin ang tanong niya ngunit nakita kong naghihintay siya. Napahawak ako sa batok ko bago nagsalita, "Ano po... masarap na pagkain para sa kapatid ko."
Napansin ko ang mabilis na pag-awang ng labi niya at pagkunot ng noo. Tuluyan ko nang kinamot ang batok dahil sa pagkapahiya. Naisip kong sana'y hindi na lang ako sumagot sa tanong niya.
"Sa kapatid mo lang? Paano ikaw?"
Ilang segundo rin akong natahimik. Tanging ang ingay lang ng ibang pasahero ang maririnig sa paligid. Nang makakuha ng sapat na lakas ng loob ay agad akong sumagot.
"Masaya na po ako pag masaya ang kapatid ko. Regalo ko na po sana yun sa kanya para sa pasko, kaso malabo. Kokonti kasi ang nakolekta ko," sabi ko habang pilit na ngumingiti.
Tinitigan niya ako. Lungkot, 'yon ang nakikita ko sa mga mata niya. Ibang-iba ito sa 'awa' na madalas kong makita. Ngayon lang ako nakatagpo ng taong nalulungkot para sakin. Ni hindi niya ako kilala kaya mas lalo akong nahiwagaan sa ipinapakita niyang ekspresyon. Ilang saglit pa'y napansin ko na ang dahan-dahan niyang pag-abot ng dalawang daang piso sa akin.
"Ito, bumili ka ng pagkain para sa inyong magkapatid. Mag-celebrate kayo ng Christmas, ha? Bihira na lang yung kabataang tulad mo na alam ang tunay na diwa ng araw na 'to... pagbibigayan at pagmamahalan," sabi niya.
Hindi naman ako nagdalawang-isip at tinanggap agad ito. Yumuko ako nang mahawakan ko ang pera dahil parang gusto kong maiyak. Nanghihina ang tuhod at nanginginig ang kamay ko. Sa kaloob-looban ko'y parang sasabog ako sa saya, ngunit kakaiba ito dahil nagtutubig at nag-iinit ang sulok ng mga mata ko. Gusto kong tumalon o humagulgol o lumukso o sumigaw at ipagyabang ang perang natanggap ko pero pakiramdam ko'y namanhid ang buo kong katawan. Marami akong gustong gawin nang oras na 'yon, pero pinili kong tumahimik at magpasalamat na sa Diyos at sa babaeng kaharap ko.
Nag-angat ako ng tingin at nakitang nakangiti sa akin ang babae kaya't napangiti na rin ako. Sa paligid naman ay abala ang ibang pasahero sa pagsilip sa nangyayari sa amin.
"Salamat po. Salamat," paulit-ulit kong sambit. Tumango at ngumiti na lang siya.
Maya-maya'y huminto na ang bus upang magbaba ng pasahero. Umamba na akong bababa ngunit muli akong napalingon sa direksyon ng babae nang magsalita ito.
"Ano palang pangalan mo?" tanong niya.
"Angelo po."
Bahagya siyang bumungisngis. "Talaga? Ako si Angel, Ate Angel," sabi niya dahilan para matawa na rin ako.
"Sige po. Salamat po ulit, Ate Angel." Pagkatapos ay tuluyan na akong bumaba.
Nang makababa ng bus ay tinitigan ko pa muna ang pag-andar nito hanggang sa tuluyang mawala ito sa paningin ko. Napatingin ako sa langit at napangiti nang makitang punung-puno ito ng mga bituin.
Muli na namang nagtubig ang mga mata ko nang maalala ko ang nangyari sa bus na iyon. Niyakap ko ang sarili habang hawak-hawak ang mga sobre at perang nalikom ko.
"Hintayin mo ko, Felisse. Uuwian kita ng masarap na pagkain," bulong ko.
Lumingon-lingon ako sa paligid at nang mapansing wala masyadong tao ay tumalon ako at sumigaw ng malakas, "Yahooooo! Salamat po!" Matapos 'yon ay sumayaw-sayaw pa ako habang naglalakad.
Nakalayo na ako sa lugar na iyon nang maramdaman kong basa na pala ang pisngi ko. Tuluyan na nga akong humikbi at pinabayaang dumaloy ang mga luha sa pisngi ko. Ayokong punasan ito dahil nararamdaman kong may katumbas na kasiyahan ang bawat luhang ito. Ayokong itapon ang sandaling ito ng aking buhay na umiiyak ako hindi dahil sa lungkot kundi dahil sa saya.
Muli akong tumingin sa langit habang panay pa rin ang paghikbi.
May pag-asa pa pala kahit sa mga taong sawa na sa sariling buhay.
-WAKAS-
No comments:
Post a Comment