Pages

Saturday, November 15, 2014

Dear Teachers



Dear Teachers
by: Maine Lasar


I.    Dear teachers, did you ever regret being one?
Did you ever feel that you’re no fun?
Do your students make you feel violated?
And do they treat you like an air that is polluted?

II.    Do you ever shout them 'coz they’re so noisy?
But at the end of the day you’ll regret it, maybe?
Do they treat your subjects as if it’s nothing?
When you tell them something violent reaction’s coming?

III.    Dear teachers, are you tired of being one?
Pls., don’t be for the sake of your students, Sirs and Ma'ams,
Maybe some students don’t know your worth.
But just continue going and prove some sort.

IV.    We’ve been so numb and also dumb,
But without you teachers, we’ll surely sob,
Just bear with us some extra patience,
'Coz without you teachers we’ll have no sense.

V.    Dear teachers, are you proud of being one?
You should be ‘coz you are molding someone,
You’ve been part of your students’ lives,
And that’s one thing we couldn’t hide.

VI.    Dear teachers, did we ever thank you for a very good job?
Did we ever let you feel that you are being loved?
If not, we need to sober and we’ll do it together.
We thank and love you and it’s now or never.

Tulak, Higit, Hay Pag-ibig!


"Naku, Teresa, nand'yan na naman 'yung manliligaw mo. Ano bang ipinakain mo d'yan at linggo-linggo na lang kung pumunta dito?" bulong ni Mama habang may inginunguso sa kung saan. 

Mabilis kong tinapunan ng tingin ang tinutukoy ni Mama at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang pinakahuwarang manliligaw sa modernong panahon, si Damian. Sa lugar namin kung saan magkakadikit ang mga bahay at makipot ang daanan, wala yatang hindi nakakikilala sa masugid kong manliligaw. Sa tatlong taon ba naman niyang pagpapalipad-hangin sa'kin, pagkuntsaba sa kung sino-sino at paggawa ng kung ano-ano para magpapansin, sino pang makalilimot sa kaniya? 

Si Damian, mabait, matalino, masipag at magaling kumanta. Graduate siya ng kolehiyo at empleyado na sa isang kompanya habang ako'y hayskul lang ang natapos at umaasa pa sa mga magulang ko hanggang ngayon. 

Madalas siya sa'min kahit hindi ko alam kung ano ang ipinaglalaban ng pagdalaw niya. Katulad ngayon, nand'yan na naman siya. Suot ang paborito niyang itim na statement shirt at leather jacket kahit sobrang init. May hawak siyang gitara sa kaliwang kamay at ngiting-ngiti na para bang nanalo sa lotto kahit hindi naman siya tumataya.

Lumunok ako nang ilang ulit bago mabilis na kumilos papunta sa banyo. "Ma, 'pag hinanap ako pakisabi wala, umalis, naglayas!" 

"Gagawin mo na naman akong sinungaling na bata ka! Hay naku, manang-mana ka sa pinagmanahan," sermon ni Mama.

Nakita ko pang umiling siya bago ako tuluyang makalayo sa kaniya. Bumuntong-hininga ako at nagpunas ng pawis sa noo. Ni hindi na ako nag-abalang buksan ang ilaw sa banyo dahil baka mahalata pa ni Damian na nagtatago na naman ako. 

Sa tatlong taon niyang nanliligaw, wala akong ibang ginawa kundi tapatin siya. Palagi kong sinasabing hindi ako ang para sa kaniya, na tigilan na niya 'ko, pero heto't tuloy-tuloy pa rin siya. Ayoko siyang paasahin dahil alam kong wala akong nararamdaman para sa kaniya, pero wala yata sa bokabularyo niya ang 'pagsuko'.

Muli akong huminga nang malalim at tahimik na pinagmasdan ang banyo naming bukod sa maliit ay mapanghi rin. Tinakpan ko na lang ang ilong ko saka sumilip sa maliit na butas sa gilid ng pinto para makita sana ang mga tao sa labas. Wala naman akong makita kaya napapalatak na lang ako.

"Umalis na kaya 'yon?" bulong ko. Dapat pala'y sinabihan ko si Mama na katukin ang pinto kapag wala na si Damian. 

"Si Teresa? Naku, nasa banyo, hayaan mo't palabas na 'yon! Excited nga 'yong makita ka, Damian! Dito ka na sa harap ng banyo para ikaw ang bubungad sa kanya."

Napasinghap ako at wala sa sariling napasabunot sa kulot kong buhok nang marinig ko ang sinabi ni Mama. Pinaypayan ko ang mukha ko at pinigilang sumigaw sa inis.

"Talaga po? First time po yatang na-excite si Tere na makita ako. Nakakatuwa," ani Damian na tingin ko'y nakangisi na ngayon.

"Naku, nagpapakipot lang 'yon! Sige na't magtitiklop pa 'ko ng damit sa taas. Hintayin mo siya d'yan. Sa labas kayo mag-usap, ha? Do'n sa makikita ng mga kapitbahay. 'Wag sa tagong lugar at baka kung ano pang magawa n'yo. Twenty-six na si Teresa pero isip-bata pa 'yon, ikaw naman ay... ilang taon ka nga ulit? Parang uhugin ka pa nung nagsimula kang manligaw sa anak ko, e. Ngayon, tingnan mo nga naman, uhugin ka pa rin." 

Tinakpan ko ng palad ang bibig ko para pigilan ang paghalakhak. Si Mama talaga! 

"Hindi na naman po ako uhugin, twenty-six na rin po ako. Pero salamat po sa mga payo, Tita."

"O siya, sige na, aakyat na 'ko. Teresa, harapin mo na 'tong bisita mo!" sigaw ni Mama habang kinakatok ang pinto ng banyo. Ilang saglit pa'y narinig ko na ang pag-alis niya.

Napakamot ako sa batok at napailing. Akmang bubuksan ko na ang pinto nang bigla kong marinig ang boses ni Damian, dahilan para matigilan ako.

"Teresa, ano, kasi 'di ba sabi mo ayaw mo 'kong makitang kumanta? Pero may bago kasi akong kantang nabuo para sa'yo. Kaya kakantahan kita habang nand'yan ka sa loob ng banyo. Hindi mo ako makikitang kumakanta pero maririnig mo 'ko," aniya sa malambing na boses.

Gusto kong magsalita pero parang may nagbara sa lalamunan ko. Kailan ko sinabing ayaw ko siyang makitang kumanta? Hindi ko yata matandaan. Sabagay, may mga bagay akong sinasabi sa kaniya na hindi ko naman talaga gustong sabihin kaya tuloy hirap akong alalahanin. 

Bago pa man makabawi sa pagkabigla ay narinig ko nang umalingawngaw ang tunog ng gitara niya. Napakagat ako sa labi nang magsimula na siyang kumanta. Malinaw ang pagkakakanta niya kaya agad kong narinig ang mga katagang, "Teresa, mahal kitang talaga." 

Umawang ang labi ko't kumalabog ang dibdib. Tumingala ako at nagmamadaling binuksan ang pinto ng banyo. Tumambad sa'kin ang nakapikit na si Damian habang patuloy sa pagtugtog at pagkanta. Ni hindi niya yata napansin na nakalabas na ako at nanonood sa kaniya.

"Damian," bulong ko habang tinitingnan siya. 

Hindi siya gwapong-gwapo pero may itsura siya. Palaging magulo ang buhok niyang bumabagay sa hulma ng mukha niya. Matangkad din siya at kapag magkatabi kami ay hanggang balikat lang ako. Dito sa lugar namin, marami-raming kababaihan ang nagkakagusto sa kaniya. Hindi ko lang alam kung gano'n din sa kabilang bayan, kung saan siya nakatira. 

Napaigtad ako nang magdilat siya ng mga mata saka ibinaba ang gitara niya't lumapit sa'kin. Umiling ako at humakbang palayo. Natigilan siya sa ginawa ko pero pinili niyang ngumiti nang malapad.

"Teresa, kamusta? Ano'ng masasabi mo sa nabuo kong kanta? Maganda ba? Nahirapan ako sa paglalapat ng musika pero sa t'wing naiisip kong para sa'yo 'yon, parang--"

"Damian, please," pagputol ko sa kaniya. "Alam mo naman, 'di ba? Hindi... hindi kita..." 

Umiling siya. "Kung ano man 'yang sasabihin mo, 'wag mo nang ituloy. Hindi ako matitinag. Maghihintay ako." Saka niya ako hinigit paupo sa kawayang upuan at sinimulan na niya akong kwentuhan. 'Yung trabaho niya, mga kaopisina niya, 'yung aso niyang si Tessa na kung hindi pa halata ay ipinangalan niya sa'kin, lahat 'yon ikinukwento niya.

Nagpatuloy siya sa pagsuyo sa'kin. Tuwing Linggo, ni minsan hindi siya pumalya sa pagbisita. Kung ano-ano ring gimik ang baon niya tulad nang dati. Nariyang sayawan n'ya ako, tulaan, kantahan at gawan ng portrait. Biro nga ni Mama, kulang na lang daw ay kumain ng buhay na manok, magbuga ng apoy at tumulay sa alambre si Damian para lang pasayahin ako. 

"Gusto mo bang ibili kita ng cellphone para magka-text tayo?" tanong niya isang hapon. 

"Damian, 'di ba sabi ko naman sa'yo--"

"Oo, alam kong ayaw mong tumanggap ng kahit ano galing sa'kin. Kahit nga tinapay na dinadala ko dito, hindi mo kinakain. Pero sige na please, na-mimiss kasi kita palagi. Tuwing Linggo lang kasi ako nakakabisita," pagputol niya sa'kin.

Tumikhim ako bago umayos ng upo. "Ayoko. Hindi ko naman 'yun kailangan. Kung may gusto kang sabihin, pwedeng kay Mama mo i-text, siya na lang magsasabi sa'kin." 

Pinaglaruan niya ang daliri niya bago sumagot, "Paano kung mga private message ang sasabihin ko? 'Miss na kita','mahal kita', 'sagutin mo na 'ko', mga ganun. Nakakahiya naman kay Tita." Ngumiti siya.

Napakamot ako sa ulo. "Hindi ko alam kung saan mo nakukuha 'yang tiyaga mo, Dam. Pwede naman kasi tayong magkaibigan na lang para mas masaya."

"Grabe naman Tere, three years tapos friendzone pa ang bagsak ko?" Humawak siya sa dibdib niya at umiling-iling.

Hinampas ko siya sa braso nang pabiro. "Three years na nga, sawa-sawa! Saka magkaibigan naman talaga tayo nung hayskul, bakit ba kasi biglang gan'yan, ang ganda ko naman yata." 

"Love is blind nga, 'di ba?" Tumawa siya at ginulo ang buhok ko.

"Loko! Pero seryoso, Dam, pwede bang tama na?" Lumunok ako at pinakiramdaman ang mabilis na pintig ng puso ko.

Ilang ulit siyang kumurap bago humawak sa batok. "Wala..." Tumikhim siya. "Wala pa rin ba? Wala ba talaga? Baka kasi... baka kailangan mo lang na mas makilala pa 'ko. Alam ko namang magbarkada tayo nung hayskul pero baka pinagdududahan mo pa rin 'yung intensyon ko. Hindi naman kita minamadali, kaya kong maghintay." 

Ngumiti siya at parang may tumusok na kung ano sa kaloob-looban ko habang tinitingnan siya. Naaawa ako sa kaniya. Mabuti siyang tao pero hindi ko masuklian ang pagmamahal niya. 

"Tatlong taon, Damian. Hindi ka ba napapagod? Nagsasawa? Wala kang aasahan sa'kin, Dam."

"Ilang beses mo nang sinabi 'yan pero sumuko ba 'ko? Hindi, 'di ba? Kung kaya ko lang sanang tumigil, ginawa ko na. Kaso hindi talaga, bumabalik at bumabalik pa rin ako sa'yo." Binasa niya ang labi niya at mariin akong tinitigan gamit ang malamlam niyang mga mata. 

"Hinding-hindi ako magsasawa. Pangako, " aniya.

Pero mukhang hindi rin niya napangatawanan ang pangako niya dahil matapos ang araw na sabihin niya 'yon ay naglaho na siyang parang bula. 

Ilang linggo ang mabilis na dumaan, hanggang umabot sa isang buwan, dalawang buwan, dalawang buwan at kalahati. Ang dating masugid kong manliligaw ay nawala at hindi na nagparamdam. Walang nakakaalam kung bakit o kung ano'ng nangyari. Kahit si Papa at ilang kapitbahay namin ay nagtanong kung nasa'n si Damian pero tanging kibit-balikat lang ang naisagot ko. 

Masaya ako dahil sa tingin ko'y natauhan na siya. Masaya ako... masaya talaga. 

"Teresa, gabi na! Pumasok ka na't isarado na 'yang gate!" sigaw ni Mama habang abala ako sa pagmumuni-muni sa labas, isang Linggo ng gabi.

Simula nang tumigil si Damian sa pagsuyo sa'kin ay halos naging tambayan ko na ang gate ng bahay namin. Palagi akong nakadungaw doon kahit hindi ko alam kung ano ba ang dahilan ng pagdungaw ko. 

Huminga ako nang malalim bago muling tinapunan ng tingin ang makipot na kalsada sa harapan ng bahay namin. Walang tao. Mabigat ang bawat hakbang na lumakad ako papasok ng bahay. Naabutan kong minamasahe ni Mama ang noo ni Papa kaya napailing ako. Gabi-gabing ganito ang eksena sa bahay dahil palaging sumasakit ang ulo ni Papa sa bigat ng trabaho niya bilang karpintero.

"Sweet naman," sabi ko.

"Hay naku, Teresa, maghugas ka na ng plato do'n at hindi na 'ko makakapaghugas dahil masakit ang katawan ko," ani Mama. 

"Ma naman, ayoko." 

"Naku kang bata ka! Kung ayaw mong maghugas ng plato, e maghanap ka na lang ng trabaho!"

Sumimangot ako. "Sabi ko nga maghuhugas na lang ako ng plato."

"Hay naku, Raymundo! Tingnan mo 'yang anak mo, ang tamad-tamad!"

"Pabayaan mo na 'yang unica hija natin," sagot ni Papa. 

"Naku! Tayo na nga lang nagtatiyaga d'yan, pati manliligaw n'yan nagsawa na!" 

Napakurap ako sa sinabi ni Mama. Ilang linggo kong iniwasang isipin ang tungkol kay Damian pero heto si Mama at isinasampal sa'kin ang katotohanang walang nakatatagal sa'kin. Masaya ako... dapat akong maging masaya. Ginusto ko 'to. Ilang taon ko siyang itinulak palayo, ngayong nagdesisyon siyang tumigil, masaya ako.

"Masaya ako, Ma." 

Ilang ulit akong lumunok at kumurap-kurap. Ikinuyom ko ang kamao ko at pumihit patalikod kina Mama. Nang maramdaman kong may yumakap mula sa likod ko ay napahikbi ako. Humarap ako at gumanti ng yakap sa yumakap sa'kin, si Mama.

"Hay naku, sinabi na kasing pansinin mo na 'yung manliligaw mo habang hibang pa 'yun sa kagandahan mo. E ngayon, natauhan na, pa'no ka na n'yan?" natatawang bulong ni Mama.

"Lusing, tigilan mo na 'yang anak mo. Lalo mo pang paiiyakin, e," sabat ni Papa saka sumali sa yakap. 
Kinagat ko ang labi ko. "Mama, ako naman ang may gusto nito, 'di ba? Pero bakit ang sakit? Bakit nagsisisi ako? Normal ba 'to? Pakiramdam ko ang tanga ko. Dapat masaya ako, e."

Pumalatak si Mama. "Akala mo kasi habambuhay siyang baliw sa'yo. Akala mo hindi niya kayang umalis sa tabi mo. Nakatatak sa utak mo na sobrang ganda mo kaya akala mo hinding-hindi siya magsasawa."

"Ma naman," pagkontra ko.

"Hay naku! Anak, tao lang si Damian, napapagod. Ilang beses mo siyang itinulak palayo. Itinutulak mo siya hindi dahil ayaw mo sa kaniya, kundi dahil alam mong hindi niya kayang tuluyang lumayo. Ngayong nakita mo nang kaya niya, ikaw ngayon ang nagdudusa. Pero mababawi mo pa siya kung kikilos ka, higitin mo siya pabalik bago pa siya maagaw sa'yo."

"Pero--"

"Hay naku, kung ayaw mo edi 'wag! Hala, sige, maghugas ka na ng plato do'n." Sabay tulak sa'kin ni Mama. 

At habang naghuhugas ay apat na salita lang ang tumatakbo sa isip ko. Tulak, higit... hay pag-ibig!
Kinabukasan ay maaga akong gumising at naghanda para umalis. Nagtaka nga si Mama dahil hindi naman ako palaalis pero mukhang may ideya na siya kung saan ako pupunta kaya hindi na rin siya nagtanong. Binigyan niya lang ako ng pera pamasahe at pangkain at inabala na niya ang sarili sa pagkausap ng kung sino sa telepono.

"Anak, iuwi mo dito si son-in-law, na-mimiss ko na kamo ang leather jacket niya!" ani Mama nang sumakay ako ng pedicab. 

Natawa't nailing na lang ako. Nang makababa ng pedicab ay nag-abang naman ako ng dyip papunta sa kabilang bayan. Kinakabahan ako habang tinatahak ang daan patungo kina Damian. Ang daming tanong sa utak ko. Paano kung ipagtabuyan n'ya 'ko? Paano kung ayaw na talaga niya? Paano kung...?

Napapitlag at natigil ang pag-iisip ko nang matanaw ko ang isang pamilyar na bahay.

"Manong, para po!" 

Dali-dali akong bumaba nang huminto ang dyip. Lalong tumindi ang kabog ng dibdib ko. Pinagpapawisan na rin ako at alam kong hindi ito dahil sa init kundi sa kaba. Pinasadahan ko ng tingin ang bahay at napaatras nang makita kong may lumabas na babae mula roon. 

Pamilyar ang mukha ng babae pero hindi ko sigurado kung saan ko siya nakita. Maganda siya, maputi at mukhang mas bata ng ilang taon kaysa sa'kin. Huminto siya sa paglalakad nang makita ako at nanlaki ang mga mata. Itinuro niya ako kaya kumunot ang noo ko.

"Teresa?" aniya.

"K-kilala mo 'ko?" 

Ngumisi siya. "A-ano, naikwento ka ni Damian noon at ipinakita niya pa sa'kin ang picture mo."

"Talaga? Gusto ko sanang makausap si Dam," bulong ko.

Umarko ang kilay niya at humalukipkip. Nakita kong bumulong-bulong siya pero wala akong narinig sa sinabi niya. 

"Ano?" tanong ko.

"Hindi mo ba itatanong kung ano ako ni Damian? Girlfriend niya 'ko. Ikinuwento ka niya sa'kin at pinakitaan ako ng litrato mo kasi gusto niyang malaman ko ang lahat tungkol sa kaniya. Kahit 'yung babaeng tatlong taon niyang niligawan pero hindi siya sinagot," matabang na sabi niya.

Binuksan ko ang bibig ko para magsalita pero walang lumabas. Lumunok ako at huminga nang malalim. Ang sakit. Parang may mga maliliit na insektong kumakain ng puso ko. Gusto kong maglupasay, umiyak at magwala. Pero sa halip na gawin 'yon ay tumango na lang ako at tumalikod sa kaniya.

Ang daya. Sobrang daya naman. Wala akong karapatang magreklamo pero ang sakit-sakit talaga. Habang unti-unting naglalakad palayo ay nagtuluan na rin ang luha ko. Kinagat ko ang labi ko at pinaypayan ang sarili. 

Ilang saglit pa'y narinig kong tinatawag ako ng girlfriend ni Damian pero hindi ako lumingon. Tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa isang bisig ang humigit at yumakap sa'kin. Pumiglas ako sa takot pero natabunan ng saya ang takot na iyon nang magsalita ang may-ari ng bisig.

"Tere, ang tagal kitang hinintay." 

"Damian," bulong ko habang humihikbi. 

"Teresa," sagot niya.

Gumanti ako ng yakap sa kaniya. "Sorry. Ang tanga-tanga ko. Ako ang may gusto nito pero ngayon, nasasaktan ako. Sorry."

Umiling siya at pinunasan ang luha ko. "Shh, tama na. Sorry din. Na-miss kita. Mahal kita."

Umawang ang labi ko sa gulat. "P-pero may girlfriend ka na." Saka ko tinapunan ng tingin ang babaeng nagpakilala bilang girlfriend niya at itinuro.

"Hindi mo ba siya natatandaan? Si Jona 'yan. 'Yung nakakalaro mo dati ng chinese garter." 

"J-Jona? 'Yung kapatid mong laging umiiyak kapag natatalo?" 

Tumingo siya. "Oo."

Nakita ko namang nag-peace sign sa'kin si Jona habang nakangiti bago siya pumasok sa loob ng bahay nila.

Wala sa sariling natawa ako. "Kaya pala pamilyar. Sobrang pumuti lang siya at gumanda."

"Mana sa'kin," natatawang sagot ni Damian.

"Sus. Pero... pero bakit ka nawala? Hindi ka na bumibisita?" 

Kumalas siya sa pagkakayakap bago ako hinawakan sa balikat at tinitigan sa mga mata. Ilang saglit siyang nag-isip saka bumuntong-hininga.

"Sabi kasi si Tita Lusing dun ko raw makikita kung may pag-asa ba talaga ako sa'yo o wala."

Kumunot ang noo ko. "Si Mama?"

Tumango siya. "Kapag daw hinanap mo 'ko, mahal mo ako. Kapag hindi, tumigil na raw ako. Pero hinanap mo 'ko, tumawag si Tita kanina para ibalitang papunta ka na. Sobra-sobrang saya ko." Ngumiti siya at maluha-luhang tumingin sa'kin. 

Kinagat ko ang labi ko. "Si Mama talaga." Umiling ako. "Pero tiniis mo pa rin ako."

"Sorry, Tere. Wala na kasi akong ibang maisip na paraan. Pero araw-araw naman akong binabalitaan ni Tita tungkol sa'yo. Alam kong palagi kang malungkot at may inaabangan sa labas. Gustong-gusto kitang puntahan no'n pero sabi ni Tita, 'wag muna. Sabi ko sa sarili ko, last na 'to. K-kung wala talaga, baka hindi talaga ako ang para sa'yo." Nabasag ang boses niya sa huling salita kaya napayakap ako sa kaniya.

"Sorry kung ang tagal bago ko na-realize."

"Alin?" may himig pang-aasar niyang sambit.

"Nakakahiya."

"Ikinahihiya mo ang nararamdaman mo?" malungkot niyang sabi.

Napakamot ako sa noo. Ngumiti ako sa kaniya at tiningnan siya sa mga mata. "Hindi, ano ka ba."

"Kung gano'n--"

"Damian, mahal kita. Mahal din kita," pagputol ko sa sinasabi niya.

Pumikit siya at nagtakip ng mga mata. "Sa wakas... sa wakas." 

Lumapit siya sa akin at dahan-dahang yumuko para maabot ng labi niya ang labi ko. Malakas ang pintig ng puso ko, kinakabahan. Sinuklian ko ang bawat halik niya at halos maiyak ako sa sayang nararamdaman ko. Humiwalay siya saglit at tumingin sa mga mata ko.

"Sa loob tayo, Tere. Nakakahiya naman sa mga audience natin," nakangiti niyang sabi.
Nanlaki ang mga mata ko saka nag-ikot ng paningin. Doon ko nakita ang mangilan-ngilang taong nanonood sa'min. Karamihan ay nakangiti at parang kilig na kilig, habang may ilang naiiling. Gusto kong magtago sa kahihiyan pero nang makita ko ang masayang mukha ni Damian ay napangiti na lang din ako. 

At parang narinig ko pa ang boses ni Mama, kahit wala naman siya, na nagsasabing, "Hay naku, Anak! Tinulak mo't hinigit, sa'yo pa rin nakakapit. 'Yan ang pag-ibig!"


-WAKAS-

** 

Ang maikling kwentong ito ay opisyal kong lahok sa Saranggola Blog Awards 6.



Thursday, November 13, 2014

Ab Initio

Prologo

"Finally, I'm engaged!" 

Nagulantang ako sa sigaw ni Grace pero mas nangingibabaw ang sakit na gumapang sa pagkatao ko dahil sa mga salitang pinakawalan niya. Nanginig ang tuhod ko. Ilang ulit akong lumunok nang ipakita niya ang nangingintab na dyamante sa palasingsingan niya. Pinigilan ko ang pag-iyak sa pamamagitan ng pagkagat sa labi pero hindi ko kinaya at tuluyan na akong naluha. 

"Friend?" bulong niya sabay hawak sa balikat ko na tila pinatatahan ako. Pero imbes na tumigil ay mas lalo akong naiyak. 

Friend. Isang salitang naglalagay sa'kin sa lugar na ayoko namang kalagyan. Isang salitang nagpapamukha sa'kin na hanggang do'n na lang ako--hanggang kaibigan lang. Pinilit kong ngumiti pero hindi ko tuluyang nagawa. Umiling na lang ako at sinabing masaya ako para sa kanya. 
Marami pa akong sinabi pero isa lang ang mahalaga sa lahat ng 'yon. "Mahal kita, Grace." 

Nagbakasakali akong sabihin niyang mahal niya rin ako... at ginawa niya nga. "I love you, too. Ikaw talaga ang best friend ko for life! Maghanap ka na ulit ng boyfriend!" masayang tugon niya. 

Kinagat ko ang labi ko. Paano ko sasabihing hindi boyfriend ang kailangan at gusto ko kundi siya? Paano ko sasabihing akala ko pareho kami ng nararamdaman para sa isa't isa? Bumuntong-hininga ako at bahagyang pumikit. Siguro nga hindi talaga kami pwede, siguro nga pinaasa ko lang ang sarili ko. Kung naging lalaki kaya ako, may tsansa ba ako sa kanya? Umiling ako. Siguro wala pa rin, wala talaga.

Tumango na lang ako at piniling normal na makipagkwentuhan sa kanya. Sinabi ko rin ang plano kong umalis na ikinagulat niya. Aniya'y mami-miss niya raw ako. Kung alam niya lang, mas ma-mimiss ko siya.

Huminga ako nang malalim matapos naming mag-usap. Nagmadali siyang umalis dahil may lakad pa raw sila ng mapapangasawa niya. Nagpasalamat naman sa ako sa Diyos at nakaya kong harapin siya nang hindi nagmamakaawa sa kanyang ako na lang ang mahalin niya. 

Dahan-dahan akong naglakad palayo sa lugar na 'yon, palayo sa kanya. Pero hindi pa man tuluyang nakalalayo ay isang malakas na hangin na ang sumalubong sa akin dahilan para mapaatras ako. Hinarangan ko ng kamay ang mukha ko habang ang mahaba kong buhok ay nililipad ng hangin. Nagsimula na ring kumulimlim ang paligid, tila nagbabadya ng malakas na pag-ulan. Nakapagtataka dahil kanina naman ay mataas ang sikat ng araw. 

Malakas pa rin ang hangin na para bang pinababalik ako at pinipigilang umalis. Humahampas na nga sa mukha ko ang malamig na hangin at parang akong nilulunod gayong wala naman ako sa tubig. 

"Ano ba 'to?" bulong ko. 

Luminga-linga ako sa paligid ngunit kapansin-pansin ang kawalan ng tao sa lugar. Binundol ng kaba ang dibdib ko pero pinili kong kumalma. Nang lingunin ko ang lugar na kinatatayuan namin ni Grace ilang minuto ang nakalipas ay napakunot ang noo ko. Isang lalaki ang bumungad sa akin. Matangkad siya at maputi, bilugan ang mga mata at may mapupulang labi. Sa kabila ng itim na t-shirt na suot niya ay kapansin-pansin pa rin ang matipuno niyang katawan. 

Hindi ako makapaniwalang hindi siya nababahala sa lakas ng hangin sa paligid. Sa katunayan ay nakangiti pa siya. Nakangiti ngunit may kakaiba naman sa paraan ng kanyang pagtitig--nakakatakot ito. Ang mga mata niya'y waring may kakayahang makapasok sa kaloob-looban ng sinuman. Napaatras ako nang mas lumawak ang ngiti at mas tumalim ang titig niya. Mula sa malayo ay kitang-kita ko kung paano siya naglahad ng kamay. 

"Sumama ka sa 'kin." Katamtaman ang lakas ng malagong niyang boses, sapat para marinig ko.
Umiling ako. Pasimple kong itinanong sa sarili kung paano ako napunta sa sitwasyong ito. Kanina lang... kanina... ano nga bang nangyari kanina? Pumikit ako nang maramdaman ang biglaang pagsakit ng ulo ko. Para itong minamartilyo kaya napasigaw ako. Mabilis ang paghinga ko't nanginginig na rin ang kamay ko--hindi ko sigurado kung dahil sa lamig o sa sakit na sumisidhi sa ulo ko. 

"Sumama ka sa'kin, Yhinn." 

Nagulantang ako sa pagtawag niya sa pangalan ko ngunit mas nakagugulantang nang kusang lumakad ang mga paa ko. Nagsisigaw ako pero walang boses na lumabas. Ang malakas na hangin ay tila nakiisa pa sa pagtulak sa'kin patungo sa lalaking hindi ko naman kilala. Nanginig ang labi ko. Ilang hakbang pa at nasa harapan na niya ako.

Marahas akong umiling. Gusto kong umiyak pero katulad ng boses ko ay walang luhang kumala. Kitang-kita ko kung paano siya ngumiti nang makalapit ako sa kanya. Ang palad niya ay nakalahad pa rin, nang-aanyayang sumama ako sa kanya.

Ilang ulit akong lumunok. Nanlaki ang mga mata ko nang kusa kong iabot ang kanang kamay sa kanya. Pilit kong ikinikilos ang paa ko upang tumakbo pero tila hindi ko na kontrolado ang katawan ko, tuluyan ko nang inabot ang palad niya. Gumapang ang kilabot sa sistema ko. 

Ramdam kong mali ang mga nangyayari, mali na sumama ako sa kanya. Gayunpaman ay huli na para magsisi. Huli na.


***
Ang kabuuan ng kwentong ito ay mababasa sa aking wattpad account (www.wattpad.com/justmainey). Enjoy reading! 

Pag-asa Kahit Sawa Na


Seryoso ang mukha ko habang mahigpit na hinahawakan ang puti ngunit maruming mga sobre sa kaliwa kong kamay. Pumarada sa gilid ang isang kotse kaya nagkaroon ako ng pagkakataong tignan ang sarili sa pamamagitan ng salamin nito. Sa repleksyon ko ay kapansin-pansin ang payat kong pangangatawan, bilugang mga mata, makakapal na labi at balat na may kaitiman.

Magulo at madumi ang puti kong damit ngunit hindi ko ito alintana. Maging ang mga taong nagtatakip ng ilong kapag napapatabi sakin ay hindi ko pinagtutuunan ng pansin.

Tumingin ako sa paligid. Sa pagmamatyag ko ay may isang bagay akong napansin, ito ay ang masasayang mukha ng mga tao. Mukhang lahat, maliban sakin, ay handa na sa pagsalubong sa kapanganakan ni Hesus mamaya. 

Nagpakawala ako ng isang hininga at pinagkiskis ang nilalamig na palad. Ilang saglit pa'y napaayos na ako ng tayo nang matanaw ang bus na kanina ko pang hinihintay. 

Hinaplos ko muna ang balikat na katulad ng palad ko ay kanina pa rin nilalamig-dala ng malamig na simoy ng hangin-bago tuluyang sumampa paakyat ng bus kasabay ng iba pang pasahero. 

"Last na 'to, bukas na uli," bulong ko. 

Nang nasa loob na ng bus ay napalingon ako sa direksyon ng kundoktor. Napasimangot ako dahil masama ang tingin niya sa akin. 

"Ikaw na namang bata ka? 'Di ka man lang nagpalit ng damit, 'Toy? Yan din suot mo kahapon, ah?" sabi niya sa nangungutyang boses. 

Totoo namang hindi ako nagpalit ng damit o naligo man lang. Wala kasing pumayag sa mga kapitbahay namin na makiligo ako dahil mahal na raw ang bayad sa tubig ngayon. Totoo rin namang tuwing magpapasko ko lang ginagawa ang ganitong gawain. Kapag kasi buwan ng Enero hanggang Nobyembre ay kinukuntento ko na lang ang sarili sa pagbebenta ng sampaguita sa mga simbahan o 'di kaya ay yosi sa mga tsuper. 

Hindi na muling nagsalita ang kundoktor at umiling-iling na lang. Tumalikod na rin siya sa akin at pumunta sa mga bagong sakay na pasahero. Bumuntong-hininga naman ako at ilang segundo munang tinitigan ang mga pasahero bago magsalita. 

"Magandang araw po, nandito po ako para humingi ng konting tulong sa inyo," panimula ko. 
Matapos kong sabihin iyon ay nakiramdam muna ako sa paligid. Iba-iba ang epekto ng salita ko sa kanila. Ang iba ay tumingin sa akin habang ang ilan ay nag-iwas lang ng tingin. Nakita ko pa ang isang babaeng nagmamadaling nagsalpak ng kung ano sa tainga. Ang isa nama'y biglang pumikit at mukhang may balak na tulugan ang maiksing talumpati ko. 

Binalewala ko sila at humugot na lang ng isang hininga at muling nagsalita, "Kaunting barya lang po, pangkain lang. Tutal pasko na mamaya, magbigayan po tayo. Salamat po." 

Nagtungo ako sa unahang bahagi ng bus upang abutan ng sobre ang mga pasahero, nakasulat dito-sa magugulong letra-ang mga katagang, 'Ate kuya konting barya lang po'

Lihim akong napapangiti kapag tinatanggap ng mga ito ang ibinibigay ko at napapailing kapag hindi man lang ako pinagkaka-abalahang titigan ng karamihan. Pakiramdam ko kasi'y ang pagtanggap ng mga ito sa sobre ay nangangahulugan ng pag-asa, na may mga taong hindi man ako matulungan ay tanggap naman ako at ang aking gawain.

Nagpatuloy ako sa pag-aabot ng mga sobre. Umaasang sana ay magbigay ang mga ito ng kahit magkano para may maiuwi akong pagkain sa kapatid ko. 

Hindi ko mapigilang magngitngit sa inis kapag naiisip na kung nandito ang mga magulang ko'y hindi ko sana ginagawa ang bagay na ito. Kung wala lang sanang bisyo si Itay ay baka hindi siya namatay dahil sa kanser sa atay. Kung matapang lang sana si Inay ay baka hindi niya itinuloy ang pagpapakamatay dahil lamang sa kahirapan ng buhay. 

Kung nandito lang sila... hindi sana ako nagmamakaawa at nagpapaawa sa mga estrangherong ito. Sana'y nag-aaral kaming magkapatid ngayon. Sana ay nasa ika-apat na taon na ako sa sekondarya at ipinagpapatuloy ang pangarap kong makapagtapos bilang valedictorian at cum laude naman sa kolehiyo. Sana ay nasa ika-apat na baitang sa elementarya na si Felisse-ang kapatid ko. Sana. Puro sana. 

Naalala ko tuloy ang sinasabi ng mga taong nakapaligid sa'kin noon. Matalino raw ako, 'yan ang madalas kong naririnig sa kanila. Malalim din daw akong mag-isip, parang isang matandang marami nang pinagdaanan sa buhay. Ang hindi nila alam sa loob ko'y nagkukubli ang isang bata. Isang batang naghahanap ng kalinga at proteksyon mula sa mas nakatatanda. Oo, malalim akong mag-isip pero sa kabila ng kalalimang 'to ay may itinatago akong kababawan, kababawang dapat ikubli para hindi ako pagsamantalahan ng ibang mas malakas. Defense mechanism 'ika nga.

Bumuntong-hininga ako. Madalas kong itanong sa Diyos kung bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo ay kami pa ni Felisse ang nakakaranas ng ganito. Hindi hamak naman na mas makasalanan ang iba kaysa samin, pero bakit kami pa? 

Natigil ang pag-iisip ko matapos tapikin ng isang lalaki ang kamay kong nag-aabot ng sobre. 

"Totoy, pinagkakakitaan mo na lang kami ah? Aba, wag mong abusuhin ang pasko, pare-pareho tayong naghihirap dito. Ang baho mo pa, mahiya ka naman. Nakakaperwisyo ka lang," saad niya. 

Bigla akong nakaramdam ng kirot sa puso ko. Dapat ay sanay na ako sa ganitong senaryo pero sadya yatang kahit kailan ay hindi ako masasanay. Nakarinig pa ako ng ilang pagsang-ayon mula sa ibang pasahero, habang ang iba nama'y may sarili ring komento... 

"Nako, sa sindikato mapupunta 'yan." 

"Baka nga ipangbibisyo lang n'yan ang mga nakukuhang pera." 

"Kalalaking tao, 'di maghanap-buhay. Asa lagi sa iba. Nasa'n ba magulang niyan?" 

Napayuko ako. Alam kong may punto sila kaya imbes na sumagot at ipagtanggol ang sarili'y lumakad na lang ako at itinuloy ang pag-aabot ng sobre sa iba pang pasahero-sa mga taong handang magbigay ng pag-asa sa akin. 

Isa lang naman ang misyon ko sa araw na ito-ang makakolekta ng marami. Sa buong maghapon kasi ay dalawampu't dalawang piso pa lang ang nakokolekta ko. Kulang pa itong pambili ng isang kilong bigas. 

Naalala ko pang nagbilin si Felisse na kung makakaipon daw ako ng malaki-laking pera ay manok ang bilhing ulam para sa pagsalubong sa kapaskuhan. Gusto ko siyang pagbigyan, minsan lang kasi ito humiling at sa totoo lang ay matagal-tagal na rin mula ng huli itong nakatikim ng masarap na pagkain. 

Mabilis kong nabigyan ng sobre ang mga pasahero kaya't makalipas lamang ang ilang sandali ay abala na ako sa pangongolekta. Napailing ako nang makitang ginawa nang tapunan ng bubble gum ang isang sobre, habang may ilan namang pinabayaan na lang na liparin ito ng hangin sa kung saan. 
Ikinuyom ko ang palad ko. Gusto kong tumigil na lang sa pangongolekta at umiyak na lang sa sulok. Gusto kong umuwi na lang at yakapin ang kapatid ko. Ayoko nang gawin 'to. Nagsasawa na ko. 

Paulit-ulit na lang, at habang tumatagal... mas lalong sumasakit. Pero kailangan kong magpatuloy, para sa manok na ihahanda namin mamaya sa mesa at para sa matamis na ngiti ni Felisse.

Bumalik ako sa pangongolekta at napatapat sa isang dalaga. Kapansin-pansin ang paghigpit ng pagkakahawak niya sa bag niya nang lapitan ko siya. Yumuko ako at pumikit saglit. Pagkatapos ay lumayo na ako sa kaniya para sa ikapapanatag ng loob niya. Kriminal. Isa akong kriminal sa paningin niya. Ipinilig ko na lang ang ulo ko at ipinagkibit-balikat ang bagay na iyon.

Matapos kong makuha ang lahat ng sobre ay binilang ko ang nakuhang barya. Apat na piso. Ibig sabihin ay nakaipon lang ako ng dalawampu't anim na piso sa buong maghapon. Hindi ko pala mapagbibigyan ang hiling ni Felisse. Bumuntong-hininga ako at pinigilan ang nagbabadyang luha sa pamamagitan ng pagkurot sa braso ko. 

Ibinaling ko na lang ang atensyon sa paligid habang naghihintay sa paghinto ng bus upang makauwi na kahit labag ito sa kalooban ko. Hanggang ngayon kasi'y naiisip ko pa ang kapatid ko. Paano kung umiyak siya? Anong gagawin ko? 

Lord, kayo na po ang bahala.

Nakatayo na ako sa gitnang bahagi ng bus malapit sa pinto nang maramdaman ko ang isang marahang tapik sa likuran ko. Hinarap ko ito at nakita ang isang babaeng maayos na nakaupo sa upuan malapit sa kinatatayuan ko. Naka-uniporme itong pang-nars at nakangiti sa akin na ikinabigla ko. 

"Nasa'n ang mga magulang mo?" tanong niya. 

"Ah... wala na po," tanging sambit ko. 

Pinilit kong makitungo nang mabuti rito kahit na nagtataka kung bakit bigla na lang niya akong kinausap. Nakatitig siya sa akin kaya't bahagya akong napaatras. Nahihiya ako sa sarili dahil ang dumi-dumi at ang baho-baho ko, samantalang siya ay malinis, mabango at mukhang anghel sa suot niyang puting uniporme na tinernuhan ng puting sapatos. 

"Nung isang araw pa kita nakikita, nagkakataon na umaakyat ka sa bus na sinasakyan ko," sabi niya. 

"Ah." 

Natawa naman siya sa sagot ko at inayos ang pag-upo. "Pasko na mamaya, ano'ng wish mo?" tanong niya na ikinabigla ko. 

Nang makabawi ay nagpakawala ako ng isang mahinang tawa. Ano namang klaseng tanong yun? 
Wala na sana akong balak sagutin ang tanong niya ngunit nakita kong naghihintay siya. Napahawak ako sa batok ko bago nagsalita, "Ano po... masarap na pagkain para sa kapatid ko." 

Napansin ko ang mabilis na pag-awang ng labi niya at pagkunot ng noo. Tuluyan ko nang kinamot ang batok dahil sa pagkapahiya. Naisip kong sana'y hindi na lang ako sumagot sa tanong niya. 

"Sa kapatid mo lang? Paano ikaw?" 

Ilang segundo rin akong natahimik. Tanging ang ingay lang ng ibang pasahero ang maririnig sa paligid. Nang makakuha ng sapat na lakas ng loob ay agad akong sumagot. 

"Masaya na po ako pag masaya ang kapatid ko. Regalo ko na po sana yun sa kanya para sa pasko, kaso malabo. Kokonti kasi ang nakolekta ko," sabi ko habang pilit na ngumingiti.

Tinitigan niya ako. Lungkot, 'yon ang nakikita ko sa mga mata niya. Ibang-iba ito sa 'awa' na madalas kong makita. Ngayon lang ako nakatagpo ng taong nalulungkot para sakin. Ni hindi niya ako kilala kaya mas lalo akong nahiwagaan sa ipinapakita niyang ekspresyon. Ilang saglit pa'y napansin ko na ang dahan-dahan niyang pag-abot ng dalawang daang piso sa akin.

"Ito, bumili ka ng pagkain para sa inyong magkapatid. Mag-celebrate kayo ng Christmas, ha? Bihira na lang yung kabataang tulad mo na alam ang tunay na diwa ng araw na 'to... pagbibigayan at pagmamahalan," sabi niya.

Hindi naman ako nagdalawang-isip at tinanggap agad ito. Yumuko ako nang mahawakan ko ang pera dahil parang gusto kong maiyak. Nanghihina ang tuhod at nanginginig ang kamay ko. Sa kaloob-looban ko'y parang sasabog ako sa saya, ngunit kakaiba ito dahil nagtutubig at nag-iinit ang sulok ng mga mata ko. Gusto kong tumalon o humagulgol o lumukso o sumigaw at ipagyabang ang perang natanggap ko pero pakiramdam ko'y namanhid ang buo kong katawan. Marami akong gustong gawin nang oras na 'yon, pero pinili kong tumahimik at magpasalamat na sa Diyos at sa babaeng kaharap ko. 

Nag-angat ako ng tingin at nakitang nakangiti sa akin ang babae kaya't napangiti na rin ako. Sa paligid naman ay abala ang ibang pasahero sa pagsilip sa nangyayari sa amin. 

"Salamat po. Salamat," paulit-ulit kong sambit. Tumango at ngumiti na lang siya. 

Maya-maya'y huminto na ang bus upang magbaba ng pasahero. Umamba na akong bababa ngunit muli akong napalingon sa direksyon ng babae nang magsalita ito. 

"Ano palang pangalan mo?" tanong niya. 

"Angelo po." 

Bahagya siyang bumungisngis. "Talaga? Ako si Angel, Ate Angel," sabi niya dahilan para matawa na rin ako.

"Sige po. Salamat po ulit, Ate Angel." Pagkatapos ay tuluyan na akong bumaba. 

Nang makababa ng bus ay tinitigan ko pa muna ang pag-andar nito hanggang sa tuluyang mawala ito sa paningin ko. Napatingin ako sa langit at napangiti nang makitang punung-puno ito ng mga bituin. 
Muli na namang nagtubig ang mga mata ko nang maalala ko ang nangyari sa bus na iyon. Niyakap ko ang sarili habang hawak-hawak ang mga sobre at perang nalikom ko. 

"Hintayin mo ko, Felisse. Uuwian kita ng masarap na pagkain," bulong ko. 

Lumingon-lingon ako sa paligid at nang mapansing wala masyadong tao ay tumalon ako at sumigaw ng malakas, "Yahooooo! Salamat po!" Matapos 'yon ay sumayaw-sayaw pa ako habang naglalakad.
Nakalayo na ako sa lugar na iyon nang maramdaman kong basa na pala ang pisngi ko. Tuluyan na nga akong humikbi at pinabayaang dumaloy ang mga luha sa pisngi ko. Ayokong punasan ito dahil nararamdaman kong may katumbas na kasiyahan ang bawat luhang ito. Ayokong itapon ang sandaling ito ng aking buhay na umiiyak ako hindi dahil sa lungkot kundi dahil sa saya.

Muli akong tumingin sa langit habang panay pa rin ang paghikbi.

May pag-asa pa pala kahit sa mga taong sawa na sa sariling buhay. 


-WAKAS-