Tatlo kaming
magkakapatid. Ako, si Ana at si Junjun. Labingdalawang taong gulang ako noon.
Si Ana, sampu. Si Junjun ang bunso, limang taon. Kapag naglalaro kami, ako
palagi ang taya. Sabi kasi ni Nanay noong nabubuhay pa siya, panganay ang dapat
magbigay... o magparaya kung kinakailangan. Kaya kahit mahanap ko sila kapag
nagtatagu-taguan kami, ako pa rin ang sunod na naghahanap, at naghahanap
ulit.
Sa masikip na
eskinita kami madalas maglaro. Kahit nasisigawan kami dahil hindi makadaan ang
mga gustong dumaan, tuloy pa rin kami. Isang beses, tinapunan kami ng isang
baldeng tubig dahil maiingay raw kami. Imbes na matakot, nagtawanan pa kami.
Sabay takbo sa bahay para mag-shampoo at magsabon, nakatipid kami sa tubig,
libre ang unang buhos.
Tatlo kaming
magkakapatid. Tatlo rin kaming gumagawa ng kwintas na sampaguita at nagtitinda
sa tapat ng simbahan. Si Ana ang palaging may pinakamaraming benta. Bibo kasi
siya at magalang makipag-usap sa matatanda. Si Junjun naman ang pinakamaloko.
Kapag nakabenta siya ng isa, tumatakbo na siya sa tindahan para bumili ng
candy.
Sinasaway siya ni
Ana. "Ibibili natin 'yan ng bigas!" pangaral nito. Hanggang sa
magtatalo na ang dalawa kaya pumapagitna na ako. Binibigyan ko ng tigpiso ang
dalawa. Itinatabi ko ang sobra para maibili ng pagkain.
Tatlo kaming
magkakapatid. Tatlo rin kaming nagsisiksikan sa iisang papag at nagsasalo sa
iisang kumot. Kapag malamig, nagyayakapan na lang kami para uminit. Kapag
mainit, ibinabato nila sa 'kin ang kumot. Naisip naming dahil sa kababato kaya
nawala ang kumot namin isang araw. Nag-iisa na nga, nawala pa. Malapit pa naman
nang mag-Pasko, lalamig na naman ang simoy ng hangin. Muntik na naming
baligtarin ang bahay naming yari sa pawid para lang mahanap ang nawawalang
kumot. Hanggang sa makita namin ang kapiraso ng kumot sa ilalim ng kaldero.
Nagdikit pala si Tatay ng apoy, isinama ang kumot, lasing kasi siya. Ano pa
bang bago? Lasing naman siya palagi. Wala na kaming nagawa kundi matulala.
Nagyayakapan na lang kami sa bawat gabing maginaw.
Tatlo kaming
magkakapatid at tatlong beses sa isang araw kaming kumakain ng pagpag. Pagpag
ang tawag sa mga pagkaing galing sa basurahan at literal na ipinapagpag para
mapakinabangan. May nagtitinda ng pagpag sa harap ng bahay namin. Kapag may
kita galing sa pagtitinda ng sampaguita, doon kami bumibili ng pagkain. Iniinit
kasi nila ang pagpag bago ibenta kaya mas masarap. Kapag walang benta,
dumidiretso na lang kami sa basurahan.
Sinasabi ko sa mga
kapatid ko, "Kapareho lang naman 'yan ng kinakain natin, ang pinagkaiba
lang, niluluto ulit 'yung nabibili kina Aling Ising. Pero pareho lang, pagpag
din." Tumatango lang sila bago muling kakain nang tahimik.
Kahit kailan, hindi
sila nagreklamo. Kahit kailan, hindi sila naghanap ng mga bagay na wala kami.
Tatlo kaming
magkakapatid. Tatlo kaming halos araw-araw nakakatikim ng palo at suntok mula
kay Tatay. Magagalitin kasi siya. Kapag hindi nasunod ang utos, may palo. May
nasunod ang utos pero mabagal, may palo. Kapag mabilis na nasunod ang utos pero
nakarinig siya ng reklamo, may palo. Kapag naman lasing siya at nadatnan niyang
walang pagkain sa mesa, sinusuntok niya kami isa-isa. Dumating sa puntong wala
nang umiiyak sa 'min kapag pinapalo o sinusuntok niya. Kahit si Junjun na
sipunin at iyakin, naubusan na yata ng luha. Manhid na kami, manhid na.
Tatlo kaming
magkakapatid. Tatlo kaming sabay-sabay nangarap na balang-araw, makakaalis kami
sa lugar na iyon at bubuo ng panibagong buhay. Balang-araw, makakapag-aral din
kami. Magkakaro'n kami ng sari-sariling pamilya, tig-iisang kumot, malambot na
kama, magandang bahay at kakain nang masasarap na pagkain araw-araw. Tatlo
kaming nagdarasal na sana, totoong may Diyos, na sana may nakikinig sa 'min, na
sana, magandang buhay ang naghihintay sa 'min sa hinaharap.
Tatlo kaming
magkakapatid. Ako, si Ana at si Junjun.
Tatlo kami...
Tatlo.
Pero ako na lang
ang natira.
Nangyari ang lahat
sa loob lang ng isang gabi. Isang gabing wala ako sa bahay dahil pinili kong
tumulong sa isang kapitbahay sa pagtitinda ng kakanin para sa unang
simbang-gabi. Ni hindi ako nagpaalam sa mga kapatid ko bago ako umalis. Iniwan
ko silang magkayakap at payapang natutulog.
Wala sa hinagap
kong kabaligtaran ang madadatnan ko pag-uwi.
Si Ana, walang
saplot, putol ang kanang braso, may sugat sa ari at sa iba’t ibang bahagi ng
katawan. Si Junjun, may busal ang bibig, nakabitin patiwarik, tadtad ng saksak
mula ulo hanggang paa.
Nagdilim ang
paningin ko. Kinuha ko ang unang matigas na bagay na nadampot ko at nagsisigaw
sa gitna ng kalsada.
“Putang ina!
Napakahayop ng gumawa nito sa mga kapatid ko! Putang ina mo, harapin mo ‘ko!”
Humikbi ako, nanginginig ang buong kalamnan.
May mga lumapit,
may mga nagtanong, may mga agad na nakiusyoso sa loob ng bahay. Kumalat ang
balita. Naglabasan ang mga tao—nagbulungan, nag-ilingan.
“Putang ina.”
Nanghihinang napaluhod na lang ako sa semento. “Tatlo kami, e. T-tatlo kami.”
Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga luha, sinamahan ng uhog at laway at
pagkabalisa.
Bumuhos ang
matinding ulan. Tila hudyat na maging ang langit, nagdadalamhati sa brutal na pagkakapatay
sa dalawang inosenteng anghel na wala namang ibang kasalanan kundi mabuhay sa
isang mundong puno ng mga halimaw at demonyo.
Gustong-gusto kong
isigaw noon ang mga salitang, ‘tama na.’ Gusto
kong magmakaawa sa mundong huminto muna siya at hayaan akong huminga. Pero
katulad ng ibang dumaan sa parehong estado at emosyong pinagdaraanan ko, hindi
ako pinagbigyan ng mundo.
Nagsimulang lumipas
ang mga taon. Nanatiling sariwa sa utak ko ang mga kaganapang bumago sa buhay
naming tatlo.
Malaking parte ng
pagkatao ko ang namatay kasama ng mga kapatid ko. Mahirap iraos ang bawat araw
pero ang pinakamahirap lagpasan ay ang unang dalawang taon ng pagkawala nila.
Palagi akong wala sa sarili, hindi na
ako makangiti, hindi ako makaramdam, para akong buhay na patay. Gabi-gabi akong
umiiyak, hindi pinatutulog ng mga bangungot. Nakikita ko sila—duguan, humihingi
ng tulong, nagmamakaawa.
Naisip ko noong
sana, hindi na lang ako umalis nang gabing ‘yon. Sana, kasama na lang nila
akong namatay sa kamay ng isang demonyong lulong sa pinaghalong alak at droga. Sana,
hindi ako naiwang mag-isa sa mundong ito.
Pero nalaman ko rin
ang dahilan kung bakit nakaligtas ako sa insidenteng iyon. Para iyon sa isang
partikular na araw, para makita mismo ng dalawang mga mata ko kung paanong labintatlong
taon pagkatapos ng malagim na pangyayaring iyon, nakamit namin ang hustisya.
Gamit ang malamlam
na mga mata, tiningnan ko ang puting kabaong habang unti-unti itong ibinabaon sa
lupa kung saan ito nababagay. Hindi man ganitong klaseng hustisya ang inaasahan
ko, naisip kong siguro, mas mabuti na rin ‘to. Hindi naman kasi umuusad ang
kaso ng mga kapatid ko gamit ang batas na binuo ng mga tao. Pakiramdam ko,
kahit ang langit, nainip na. Kaya ibang batas na ang umiral at nagbigay ng
kaparusahan—batas ng mas nakatataas.
Sa araw na ‘yon,
namatay ang may sala… namatay si Tatay.
Masama na kung
masama pero sa mga sandaling iyon, matapos mailibing ang taong imbes na maging
haligi ng tahanan ay siya pang sumira nito, muling sumilay ang totoong ngiti sa
mga labi ko.
Pinagbigyan na ‘ko
ng mundo.