Sa 'yo X,
Sabi mo limang taon na kayo ng nobyo mo. Nakakatuwa, masaya ako para sa inyo. Sa panahon ngayon kung kailan ilang linggo na lang ang itinatagal ng forever, heto kayo't pinatutunayan na may magkasintahan pa ring taon ang inaabot at hindi isang linggong pag-ibig lamang. Nang sabihin mo ngang mahal mo siya at mahal ka niya, napangiti ako nang wagas. Ramdam ko, e. Tagos. Sa dami ba naman ng emoticon na ginamit mo sa chat para maiparamdam sa 'kin ang pagmamahalan ninyo, hindi pa ba ako maniniwala?
Pero aaminin ko sa 'yo, napangiwi ako nang sabihin mong gusto mong maging smooth ang relasyon n'yo. Sabi ko sa sarili ko, naku ito na, siguradong may problema. Hindi mo naman kasi sasabihin 'yon kung walang bato sa dinaraanan n'yo. At ayun nga, tama nga ako, tuloy-tuloy mo nang sinabi na minsan nalulungkot ka dahil hindi mahilig mag-effort ang nobyo mo. Na minsan pakiramdam mo wala ka lang sa kanya, na kapag anibersaryo ninyo, babati lang siya tapos wala na. Walang bulaklak, tsokolate o kahit sine man lang. At kapag hindi kayo nagkikita nang matagal, todo text ka sa kanya, siya, magte-text lang 'pag naisipan niya.
Pero kung may tumatak man sa 'kin sa lahat ng sinabi mo, ito 'yon, "Hindi ba dapat give and take kami? Bakit pakiramdam ko ako lang ang nagbibigay, tapos siya, tanggap lang nang tanggap? Ano'ng gagawin ko?"
Ano'ng dapat mong gawin? Teka, ang hirap naman, hindi naman talaga ako magaling magpayo. Pero pipilitin ko, at sana nama'y makatulong ako sa 'yo...
Sa totoo lang, naiintindihan ko kung bakit gusto mong maging smooth ang relasyon ninyo at kung bakit ka naghahanap ng effort mula sa kanya. Gusto mong maramdaman na mahalaga ka sa pamamagitan ng mga bagay na ginagawa niya para sa 'yo, hindi ba? Gusto mong makita na hindi lang ikaw ang gumagawa ng paraan para tumagal kayo. Gusto mong madama na dalawa kayong kumikilos sa relasyon na binuo n'yo. Hindi lang naman ikaw ang may gusto ng gano'n, lahat yata ng nagmamahal, may minamahal, o gustong magmahal ay gan'yan ang gusto. Isang pag-ibig na halos perpekto.
Pero wala naman kasing perpekto. Kahit gaano ka-cliché pakinggan, 'yan ang totoo. Kahit gaano mo kagustong maging swabe ang lahat, tipong walang problema kahit kailan, walang hadlang, happy lang, hindi pwede 'yon. Mayro'n at mayro'n pa rin talagang magiging problema... at ang sa inyo nga ay ang pagkukulang niya sa effort.
X, ang effort na 'yan, sobrang laking salita n'yan (hindi literal dahil pareho lang naman ang font size na ginamit ko sa salitang 'yon at sa iba pang mga salitang tinitipa ko ngayon.) Ang effort, madalas hanapin ng mga tao, tulad mo, na para bang isa iyong batang mahilig maglayas 'pag napagalitan. Ang effort, gustong-gusto natin 'yang maramdaman. Nakakahaba nga naman kasi ng buhok kapag may isang taong ginagawa ang lahat para sa 'tin.
Pero ang kawawang effort, madalas nand'yan lang, hindi lang makita dahil abala tayo sa pagtanaw at paghihintay sa ibang mga bagay, sa malalaking mga bagay. Ngayon, tatanungin kita, ano ba ang depinisyon mo sa salitang effort? Madalas kasing d'yan nagkakatalo ang mga tao, sa depinisyon.
Tulad ng pag-ibig, maaring sabihin mo na ang depinisyon ng pag-ibig ay pag-ikot ng mundo, pagtibok ng puso, pagpula ng pisngi at pagkautal ng dila, pero kung siyentipiko ang makakarinig sa 'yo ay baka mabatukan ka lang niya at bigyan ng mahaba-habang eksplanasyon kung bakit umiikot ang mundo, tumitibok ang puso, pumupula ang pisngi, at nauutal ang dila, saka niya isasampal sa 'yo ang katotohanang para sa kanya, walang kinalaman ang pag-ibig sa mga pangyayaring iyon.
Kaya X, ano ba sa 'yo ang effort? Iyon bang dapat may matatanggap ka tuwing darating ang mga espesyal na petsa sa buhay ninyo? Iyon bang dapat may text siya sa 'yo tuwing umaga? Iyon bang dapat agad-agad ang reply niya kapag tinatanong mo siya kung naligo na ba siya? Iyon ba?
Hindi ba effort ang pagbati niya sa 'yo tuwing anibersaryo ninyo? Hindi ba effort ang pagte-text niya, hindi man palagi pero ginagawa niya pa rin? Hindi ba effort na sa loob ng limang taon ninyo bilang magkasintahan, naramdaman mong mahal ka niya? Hindi ba?
X, naiintindihan kong may mga bagay kang gustong mangyari o makuha mula sa kanya. Mga bagay na sa palagay mo ay dapat lang na ibigay niya dahil katumbas 'yon ng pagpaparamdam niya ng pagmamahal sa 'yo. Pero gusto kong malaman mo na 'yung maramdaman mo pa lang na mahal ka niya, sobrang laking effort na no'n. 'Yung maalala pa lang niya kung kailan ang natatanging araw para sa inyo, effort na 'yon. 'Yung mga simpleng bagay na ipinapakita niya, effort 'yun.
Kung minsan man dumarating sa punto na pakiramdam mo wala ka lang sa kanya, tingnan mo muna kung ano ang rason niya. Kung hindi ka man niya mabigyan ng magandang regalo sa anibersaryo ninyo, isipin mo muna kung may pera ba siya, baka pareho pa kayong estudyante at umaasa sa mga magulang ninyo, intindihin mo siya.
Kung nagtatrabaho na kayo at hindi ka pa rin niya mabigyan ng kahit ano, tanungin mo muna ang sarili mo, talaga bang sasaya ka at mararamdaman mo na mahalaga ka sa pamamagitan ng materyal na bagay na maaari niyang ibigay? Kung hindi, congratulations, isa kang alamat. Kung oo, gusto kong ipaalala sa iyo na ang materyal na mga bagay, naluluma 'yan, kumukupas, minsan pa'y nawawala. Maaaring mapasaya ka n'yan ngayon, pero mapapasaya ka ba ng mga 'yan sa mahabang panahon?
Wala siyang maibigay? Baka naman nag-iipon siya? Baka may mga bagay o tao siyang pinaglalaanan ng pera niya? Nanay o tatay na may sakit? Kapatid na pinag-aaral? Mga kamag-anak na sinusuportahan? Higit kahit kanino, ikaw dapat ang nakakaalam ng rason niya dahil ikaw naman ang nakakakilala sa kanya.
Kung hindi ka man niya ma-reply-an agad sa mga text mo, pakiramdaman mo muna, baka abala siya sa pag-aaral, sa trabaho o sa ibang bagay. Tandaan mo, kahit gaano mo pa kagustong sa 'yo umikot ang mundo niya, hindi mangyayari 'yon. May mga bagay pa rin na kailangan din niyang pagtuunan ng pansin bukod sa 'yo. Kung lumilipas ang ilang buwan na hindi siya nagpaparamdam, kausapin mo siya. Itanong mo kung ano'ng problema. O kung may problema nga ba.
Sa bawat problema, pag-uusap talaga ang nangungunang solusyon. Hindi mo dapat kinikimkim ang mga bagay na bumabagabag sa 'yo, maliit man 'yan o malaki. Paano ka makakakuha ng sagot kung hindi ka magtatanong? At paano niya malalaman ang nararamdaman mo kung hindi mo sasabihin?
Tama ka sa sinabi mo kanina, sa pagmamahal, dapat hindi ka lang tanggap nang tanggap, dapat nagbibigay ka rin. Kung sa palagay mo, ikaw lang ang nagbibigay, may gusto akong ipaalala sa 'yo. Sabi mo, mahal ka niya, hindi ba? Kaya paanong mangyayaring wala kang natatanggap mula sa kanya kung nasa 'yo ang pagmamahal niya? Isa pa, hindi maganda kung magbibilangan kayo ng mga nagawa para sa isa't isa. Mas masarap ang pag-ibig na handang magbigay hangga't kaya pa, magbibigay nang walang hinihinging kapalit.
'Wag mong hayaang kainin ka nang buhay ng hinahanap mong effort. 'Wag mong hayaang masira kayo dahil lang may mga bagay siyang hindi maibigay sa 'yo. Give and take, X. Pero hindi lang effort ang kailangang ibigay at matanggap ng taong nasa isang relasyon. Kailangan din ng komunikasyon, pang-unawa, oras at marami pang mga bagay.
Kausapin mo siya. Oo, uulitin ko, kausapin mo siya. Hindi mo kaya? Kayanin mo para sa ikatatahimik ng relasyon ninyo! Sabihin mo kung ano'ng totoo mong nararamdaman. Sabihin mong may hinahanap kang hindi niya ibinibigay. Hintayin mong magpaliwanag siya. At kapag nalaman mo na ang panig niya, timbangin mo kung ano'ng gusto mong mangyari sa inyo. Tatanggapin mo ba na may mga bagay talagang hindi niya kayang ibigay o tatalikuran mo siya dahil din sa parehong rason? Ikaw lang ang makasasagot n'yan. Kahit pa sabihin ko sa 'yo ngayon kung ano ang sa tingin kong dapat mong gawin, sa huli, desisyon mo pa rin ang masusunod.
At bago ako magtapos, isang katanungan ang gusto kong sagutin mo... masaya ka ba? Masaya ka pa ba? Kung oo, walang rason para pahirapan mo ang sarili mo. Dahil kung masaya ka, kinulang man siya sa effort o hindi, mamahalin mo pa rin siya. At kung masaya ka sa kanya at nararamdaman mong mahal ka niya, walang problema ang magpapatumba sa relasyon n'yong dalawa.
Hanggang dito na lang, X, sana'y may naitulong ako. Hangad ko ang kaligayahan ninyong dalawa.
Hanggang sa Muli,
Justmainey
Lahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards (www.sba.ph).