Protege Wattpad Round 3 entry. Unedited.
For more stories, visit: www.wattpad.com/justmainey
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Mga Kwento ni Elena
Umihip ang malakas na hangin kasabay ng pagsayaw ng mga puno sa paligid. Tinapunan ni Elena ng tingin ang buong lugar. Tahimik. Madilim. Tahimik na para bang maging ang mga insekto ay nahiyang magsipag-ingay. Madilim-kahit na pasado alas-nuwebe pa lang ng umaga-dahil sa nagtataasang punong bumabalot dito. Kung ipalalarawan ito sa iba, tiyak isa lang ang sasabihin nila... nakakatakot. Sa katunayan ay pwede na itong pagdausan ng isang horror film o di kaya'y gamiting panakot sa mga batang matitigas ang ulo. Pero ang lahat ng 'yon ay walang kwenta sa kaniya, dahil alam niyang walang takot ang tutumbas sa nararamdaman at mararamdaman niya.
Nang marating ang sentro ay hinanap ng kaniyang mga mata ang isang bagay. Agad siyang ngumiti matapos makita ito. Lumapit siya rito, dahan-dahan, unti-unti. Nang malapitan niya ito ay isang mapait na ngiti ang kaniyang pinakawalan. Marahan niyang tinitigan ang puntod na nasa kaniyang harapan. Pumikit siya. Ito ang nararamdam niya, ito ang pilit kumakawala sa sistema niya... pagmamahal at higit pa.
Huminga siya ng malalim saka nagsindi ng tatlong kandila. Nakailang ulit pa siya dahil agad namamatay ang apoy mula rito. Nang masigurong ayos na ay inihanda na niya ang sarili sa mahaba-habang kwentong kaniyang gagawin. Ganito lagi ang ginagawa niya kapag pumupunta rito, magkukwento hanggang sa magsawa siya, magkukwento hanggang maubusan ng sasabihin. Ito na ang naging buhay niya ilang linggo na ang nakararaan, at mukhang ito na rin ang buhay niya sa mga taon pang dadaan.
"Sorry, ngayon na lang ako nakapunta ulit," bulong niya habang hinahaplos ang puntod sa kaniyang harap.
Tumingala siya at pumikit. "Ready ka na? Magkukwento na 'ko." Isang ngiti ang sumilay sa kaniyang labi bago siya nagpatuloy, "Alam mo bang isinuot ko yung wedding gown ko kanina? Nagalit nga yata si Ate Lana, sinimangutan niya kasi ako, pero hindi siya nagsalita. Tapos, alam mo ba, inayos ko yung buhok ko ngayon..." Lumunok siya at hinawakan ang buhok niyang nakatali ngunit magulo.
"Maganda ba? Sabi mo kasi noon, mas maganda ako pag nakatali ang buhok. Okay ba? Ako mismo nagtali nito, kahit alam mo namang hindi ako marunong." Huminga siya nang malalim at hinaplos ang balikat.
"Kanina nga pala, napaihi si Ate sa kama, pero walang nagalit, walang nagsalita. Niyakap lang nila si Ate at pinatahan kasi umiiyak siya. Tapos, si Mama, umiyak siya kagabi habang niyayakap si Ate. Hindi ko alam kung bakit, kilala mo naman ako, hindi ako pala-tanong pero base sa iyak ni Mama, para siyang naaawa. Pero bakit naman? Okay naman si Ate Lana, bakit siya maaawa? Ewan, naguguluhan ako sa kanila," sambit niya.
"Nung isang araw, bumili ako ng taho, inirapan ako nung tindero. Hindi ako nagpatalo, inirapan ko rin siya." Bahagya siyang napangiti sa sarili.
"Pati yung aso ng kapitbahay, tinatahulan ako, alam mo ba ang ginawa ko? Tinahulan ko rin," sambit niya bago tumawa ng malakas. "Biro lang, binato ko lang ng bato, buti nga hindi ako kinagat."
Muling umihip ang malakas na hangin kaya napahinto siya at napayakap sa sarili. Ngumiti siya bagama't kababakasan ng lungkot ang kaniyang mga mata.
"Ikaw 'yon, 'no? Ikaw 'yung hangin? Niyayakap mo 'ko? Miss mo na siguro ako. Miss mo na yung ngiti ko, yung kagandahan ko, yung luto ko. Miss mo na 'ko, di ba? Kasi... miss na miss na kita." Tuluyan na ngang nabasag ang tinig niya sa huling tatlong salitang binitawan niya. Kinagat niya ang labi para pigilan ang paghikbi. Ayaw niyang umiyak, sawa na siya, sawang-sawa na.
"A-ang dami ko pa sanang gustong gawin kasama ka, pero wala nang pagkakataon," bulong niya, "gusto kong maligo tayo sa ulan, kumain ng maraming candy, maglaro ng taguan, maghabulan, chinese garter-mga bagay na hindi ko naranasang gawin, mga simpleng bagay.
"Gusto ko pang makita yung ngiti mo, gusto ko pang marinig yung nakakaloko mong tawa. Gusto ko ring mahawakan yung kamay mo na laging nilalamig. Gusto kong halikan ka, kahit na ayaw mong mag-ahit. Gusto kong tumanda kasama ka."
Tumingala siya at gumuhit ng bilog sa hangin. Patuloy niyang ginagawa ito na para bang naglalaro lang. Naglalaro ngunit umiiyak. Umiiyak ngunit nakangiti. Tila halo-halo ang tumatakbo sa kaniyang utak sa sandaling iyon.
"Mahal kita," bulong niya. "Lagi kong tinatanong sa'yo 'to, pero hanggang ngayon wala akong nakukuhang sagot. Ngayon itatanong ko ulit, baka sakaling sumagot ka na kahit sa panaginip lang.
"Bakit mo 'ko iniwan? Bakit agad-agad? Sabi mo noon, magiging masaya tayo, di ba? Sabi mo, bubuo tayo ng pamilya at magkakaro'n ng maraming anak." Ngumiti siya at nagpatuloy, "Sabi mo uubusin natin ang alphabet para ipangalan sa magiging anak natin, pero bakit wala tayong nabuo kahit isa? Sabi mo kapag ikinasal tayo, sa Hawaii ang honeymoon, pero bakit ni hindi tayo nakapag-honeymoon? Sabi mo... sabi mo hindi mo ako iiwan, pero bakit?
"Bakit naman ganun? Mahal na mahal kita, eh. Sa sobrang pagmamahal ko kaya kong makipagpalit ng pwesto sa'yo. Ako na lang diyan sa ilalim ng lupa, ikaw dito sa ibabaw. Ako na lang ang maagnas, ikaw na lang ang mabubuhay."
Nag-unahan na sa pagdaloy ng mga luha pero hindi siya nag-abalang punasan ito. Nakangiti siya, kahit na umiiyak ay pinipilit niyang ngumiti.
"Pero alam kong dapat ko nang tanggapin. Kailangan ko nang masanay na wala ka, na wala nang mangungulit, mang-aasar, magpapasaya sa'kin. Kailangang itatak ko na sa isip ko na hanggang dito na lang talaga. Masakit, sobra. Siguro nararamdam mo yung sakit na nararamdaman ko, pero wag kang mag-alala, konti na lang... mawawala rin 'to, sana."
Tinakpan niya ang kaniyang mukha at humikbi. Umiyak siya na para bang wala nang bukas, umiyak na parang isang sanggol. Hindi na siya nag-abalang pigilan ang pagkawala ng bawat luha. Gusto niya lang ilabas ang lahat ng sakit, umaasang sa pagtatapos ng kaniyang pag-iyak ay ang pagkatanggal ng kirot sa kaniyang puso.
Matapos ang ilang sandali ay kumalma rin siya. Ngumiti siyang muli at nagsalita, "Nga pala, alam mo bang nagalit si Ate Lana kanina nung nakitang suot ko yung wedding gown ko? Sumimangot pa nga siya..."
Hindi na niya naituloy ang sasabihin pagka't nakarinig na siya ng yabag patungo sa kaniya.
"Aling Lusing! 'Yun po si Elena!"
"Oo nga po!"
Napatayo siya nang makita ang dalawang lalaking nakaturo sa direksyon niya. Kunot-noo niyang binalingan ito. Matapos ang ilang minuto ay lumabas mula sa kakahuyan ang kaniyang ina, kasama ang Ate Lana niya. Pawang pawis na pawis ang mga ito at halatang pagod na pagod. Nang makita siya ng dalawa ay agad napangiti ang mga ito at yumakap sa kaniya.
"Diyos ko po, salamat!" usal ng kaniyang ina habang yakap-yakap siya.
"Mama?" bulong niya.
"Nandito ka na naman pala. Pinag-alala mo kami ng ate mo. 'Di ba napag-usapan na nating bawal ka rito? Private property 'to, Anak. Buti nakita ka nilang dalawa na pumunta dito," sambit pa nito habang itinuturo ang dalawang lalaking kasama nila.
"Pero ang asawa ko po... hindi ko pwedeng iwan ang asawa ko," mahinang turan niya.
Humagulgol ng iyak ang kaniyang ina kaya napanganga siya. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang itong umiyak. Maging ang kaniyang ate ay maluha-luhang bumaling sa kaniya.
"Umuwi na tayo," bulong ng kaniyang ina.
Tabi-tabing naglakad palabas ang mag-iina. Tahimik lang sila, waring may kaniya-kaniyang iniisip. Sa kanilang likuran ay naroon ang dalawang lalaking tumulong sa paghahanap kay Elena. Noong una ay tahimik lang din ang mga ito hanggang sa basagin ng lalaking may katangkaran at kaitiman ang katahimikan.
"Baliw nga talaga 'tong anak ni Aling Lusing. Kawawa, umihi nga daw sa kama kanina, tapos sinuot yung wedding gown nung ate niya," bulong nito sa kasama.
"Alam ko, para namang di ko narinig 'yan sa kanila kanina. Pero kawawa siya, ang alam ko namana daw sa tatay niya 'yan. Schizomenia?" pabulong din na sagot naman ng isa.
"Tanga, schizophrenia. Hirap nun, ganyan na siya since birth, sana dalhin na lang sa mental. Teka, sino ba yung patay na nakalibing dun sa puntod na hinahawakan ni Elena kanina?"
"Anak nung may-ari nitong lugar. Puta, pre. Narinig mo yung sabi ni Elena? Asawa niya daw yun, eh limang taon lang yun nung namatay. Baliw nga." Mahinang nagtawanan ang dalawa habang abala pa rin sa paglalakad ang tatlong babae sa kanilang harapan.
"Tahimik na, baka marinig tayo," pagtatapos ng isa.
Ngunit huli na ang lahat... narinig na sila ng mga ito. Narinig na sila ni Aling Lusing at Lana, at napapikit na lang ang mga ito. Narinig na sila ni Elena, pero wala itong pakialam, wala kahit kailan.
"Ano kayang ikukwento ko sa kaniya bukas?" bulong niya sa sarili bago ngumiti.
-WAKAS-